Kadalasang ikinamamatay ng aso o pusa ay hindi ang kanilang sakit, kundi ang dehydration. Kung ang hayop ay hindi kumakain, hindi umiinom walang pumapasok sa katawan nya ay mas mainam na dalhin sa Vet para pakabitan ng swero (IV fluid) bago i-home remedy. Mahalaga ito lalo na sa mga puppies at kittens dahil mas mabilis sila ma-dehydrate.
Mga Sintomas ng Dehydration sa Hayop
- Hindi masyadong naiihi
- Matingkad na dilaw na ihi
- Pagkatuyo at malamig na balat
- Walang ganang kumain
- Pagsusuka na mayroon o walang pagtatae
- Biglang pagtamlay at pagkahilo
- Hinihingal
- Lubog at tuyong mga mata
- Tuyong ilong
- Tuyo at malagkit na gilagid
Paano Gamutin ang Dehydration sa Hayop
Kung dehydrated ang alagang hayop, tiyaking umiinom siya ng sariwa at malinis na tubig lalo na sa mainit na panahon. Maaaring mawalan ng gana ang mga dehydrated na hayop na nagiging sanhi ng mas kaunting pagkain nila. Kung hindi nagsusuka ang alagang hayop, maaaring bigyan siya ng electrolyte enhanced fluid tulad ng Pedialyte. Mas mainam na masuri ng vet para sa recommended dosage.
Kung patuloy na nagpapakita ng mga sintomas kagaya ng nabanggit sa itaas, patuloy na pagsusuka o pinaghihinalaan mong heatstroke, dalhin kaagad sa vet upang mabigyan ng paunang lunas. Maaaring magbigay ng intravenous o subcutaneous na likido ang vet upang mas mabilis na mapalitan at maiwasan ang karagdagang pagkawala ng fluid sa katawan.
Paano Maiiwasan ang Dehydration
Ang pinakamahusay na paraan para maprotektahan ang alagang hayop sa dehydration ay dapat siguraduhin na may patuloy siyang supply ng malinis na tubig sa lahat ng oras lalo na kung dinadala mo siya sa labas. May mga alagang hayop na umiinom ng higit sa iba lalo na kung ang iyong alaga ay aktibo mas nangangailangan ito ng maraming tubig. Depende pa kung mainit ang panahon kaya kailangan mong mag-ingat upang matiyak na nakakakuha ng sapat na supply ng tubig ang alagang hayop.
No comments:
Post a Comment